"At aalis, magbabalik at uuliting sabihin na mahalin ka't sambitin kahit muling masaktan."
Mahirap mag-move on. Mahirap sabihin na okay ka pero kung nakikita mo naman siya o kahit man lang naririnig mo ang pangalan niya ay nahihirapan ka. May mga pagkakataon pa nga na animo'y hindi ka makahinga dahil sa sobrang pangingipuspos ng damdamin mo. Kasi nga, masakit. Kasi sobrang hirap dahil mahal mo siya.
Paano mo ba ilalarawan ang sakit na nararamdaman mo? May mga tao kasing kahit nakikita ka nang umiiyak, eh sasabihin pa rin na "Okay lang 'yan. Malilimutan mo rin siya.". Sa isip mo, gusto mo na silang batuhin ng mug dahil hindi nila alam kung gaano kahirap. Mas madali para sa kanila na sabihin ang mga iyon dahil hindi naman sila ang nakararanas ng pait. Hindi naman sila ang nasasaktan. Paano mo ba ipababatid sa kanila na kahit anong mura pa ang sabihin mo, walang kuwenta pa rin dahil hindi naman nababawasan ang sakit? Sasabihin mo bang para kang tinutusok ng ilang daang aspile? O hindi naman kaya'y sasabihin mo sa kanila na para kang nilulunod sa sobrang sakit at nahihirapan kang huminga? Nakakatawa hindi ba? Kasi hindi mo kayang ilarawan kung ano ang nararamdaman mo. Kahit anong klaseng deskripsiyon ang ibigay mo, hindi sasapat upang mailarawan ang pait at sakit na dulot ng iyong nabigong pag-ibig.
Tapos, darating ka rin sa puntong parang buong katawan mo ang nagpoprotesta dahil tinatamad kang magtrabaho, kumilos o gumawa ng kahit na ano. Kahit siguro ang pagdilat mo ng sarili mong mga mata ay kinatatamaran mo na rin. Gusto mo lang humilata sa kama, magmukmok, makinig ng Broken Vow at Heaven Knows at mag-stress eating. Kulang na lang kumanta ka ng Lazy Song para bigyan ng background ang katamaran mo. Ayaw mong gumalaw kasi ang dahilan kung para kanino ka bumabangon (Nescafe) eh wala na sa iyo.
May mga pagkakataon ring bigla ka na lang napapatitig sa kawalan. Bigla mong maaalala ang nakaraan, ang masasayang araw at maiisip mo rin ang mga mangyayari pa sana kung hindi lang siya nawala sa'yo. Laging nangyayari ang ganito kapag nakakarinig ka ng mga walang kamatayang love songs na animo'y pinatatamaan ka sa bawat linya. Kapag naglalakad ka, napapatigil ka dahil pakiramdam mo sinasadya talaga ng singer na iparinig sayo ang linyang iyon.
Sa mga pagkakataon ring gusto mo na talagang mag-move on, nahaharap ka sa mga pagsubok. Gaya na lang ng bigla siyang magpi-PM sa'yo sa FB o kung hindi kaya kapag bigla mo siyang nakasalubong sa daan. Sus! Mahirap ang ganyan. Mahirap ang mag-move on. Mahirap ang ma-in love at mas mahirap ang masaktan.
Mahirap mag-move on hindi dahil hindi mo gusto o dahil may pumipigil sa'yo. Mahirap mag-move on kasi kahit gaano ka niya sinaktan, kahit gaano ka nahihirapan dahil sa kanya, mas masaya ka pa rin kapag naiisip mo siya. Sumasaya ka sa tuwing kahit sandali lang ay nabibigyan ka niya ng pansin.
Para ito sa mga taong nagmahal at nasaktan, mga nagmamahal na masaya na sa relasyon nila at sa mga nagmamahal na alam naman nating masasaktan lang rin :)
"Tunay na pagsintang 'di alintana... bawat sandali na lang."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento